Ibinahagi ng tinawag na "DDS vloggers" ang lumabas na kautusan ng Korte Suprema na magkomento ang ilang mga miyembro ng House of Representatives sa inihain nilang "Petition for Certiorari and Prohibition" laban sa kanila.
Kaugnay ito sa hindi umano pagsipot ng mga tinawag na "vloggers" sa isinagawang pagdinig ng Tri-Committee na binubuo ng Public Order and Safety; Public Information; at Information and Communications Technology matapos idawit sa isyu ng "fake news."
Noong Pebrero 18, naglabas ng subpoena ang Tri-Committee laban sa kanila matapos hindi sumipot sa pagdinig sa kabila ng show cause order, sa unang pagdinig noong Pebrero 4.
Ayon naman sa Facebook post ng isa sa mga ipinatawag ng komite na si dating Presidential spokesperson Atty. Trixie Cruz-Angeles, Miyerkules, Pebrero 26, naglabas na ng resolusyon ang Court En Banc na may petsang Pebrero 11, 2025, na nagre-require sa mga solon na magkomento sa petisyon ng "vloggers."
KAUGNAY NA BALITA: Trixie Angeles sa pagpapatawag sa kanila ng Kamara: 'Ito po ay isang paraan para patahimikin kami!'
Mababasa sa resolusyon na ang mga binanggit na solon ay sina House Speaker Martin Romualdez, Rep. Robert Ace Barbers,gayundin ang mga chairperson ng tatlong komite na sina Rep. Dan Fernandez, Rep. Tobias Tiangco, at Rep. Jose Aquino II.
Binibigyan umano ang mga nabanggit na mambabatas ng 15 araw para magkomento sa nabanggit na petisyon, mula sa pagkakatanggap ng notice.
"Acting on the Petition for Certiorari and Prohibition (With Urgent Prayer for the Issuance of a Temporary Restraining Order and Writ of Preliminary Injunction) the Court resolved, without giving due course to the Petition, to REQUIRE respondents to COMMENT thereon within a NON-EXTENDIBLE period of 15 days from notice hereof, which comment shall be filed with this Court and served on petitioners by personal services," mababasa sa resolusyon.
Pirmado ang nabanggit na resolusyon ni Marife M. Lomibao-Cuevas, clerk of court.
Ang mga nabanggit namang "vloggers" sa resolusyon, bukod kay Angeles, ay sina Ernesto Abines Jr., Atty. Glenn Chong, Mark Anthony Lopez, Mary Jean Reyes, Dr. Richard Mata, Lorraine Badoy-Partosa, at iba pa.
Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag ang mga nabanggit na miyembro ng HOR tungkol dito.