Isang senior citizen ang nasawi matapos ma-heatstroke habang nakapila sa programang inorganisa umano ng mga tagasuporta ni Santa Rosa Laguna Rep. Dan Fernandez, sa Cavinti, Laguna kamakailan.
Ayon sa Facebook page na Laguna News Update Today na batay umano sa salaysay ng ilang saksi ay nagsimula umanong makaramdam ng pagkahilo at paninikip ng dibdib ang matanda bunsod ng kakulangan ng bentilasyon sa lugar.
Ilang sandali pa raw ang lumipas nang tuluyan nang matumba at mawalan ito ng malay.
Idineklarang dead on arrival ang nasabing matanda na sinubukan pang maitakbo sa ospital.
Base sa ulat ng local news outlets, ang biktima ay kinilalang si "Zaida," 69 taong gulang, residente ng Brgy Layasin.
Ayon umano sa mga kaanak ng biktima, nagpunta raw sa nasabing programa ang matanda, matapos daw nitong malaman na mula sa umano’y kaalyado ni Fernandez, na mamimigay raw ng ayudang pera ang nasabing mambabatas.
May ilan daw na nagsasabing pinangakuan umano sila na makakatanggap ng ₱2,000 ngunit nasa ₱500 lamang daw ang kanilang nauwi matapos ang umano’y ilang oras na paghihintay.
Samantala, wala pang inilalabas na opisyal na pahayag ang kampo ni Fernandez hinggil sa nasabing insidente.
Sinubukan din ng Balita na kunin ang panig ng mambabatas ngunit wala pa itong sagot.
Bukas ang Balita sa kaniyang panig.