Sugatan ang isang 28 taong gulang na lalaki matapos umano siyang pagtatagain ng kaniyang sariling bayaw gamit ang isang palakol sa Amlan, Negros Oriental.
Ayon sa ulat ng ng Brigada News noong Martes, Pebrero 25, 2025, nauwi sa pananaga ang away ng dalawa, matapos umanong pasaringan ng biktima ang suspek.
Lumalabas sa imbestigasyon na nagsimula raw magparinig ang biktima sa suspek, matapos daw siyang tanggihan nitong makipag-inuman kasama ang kaniyang barkada.
Malimit din umanong magpatutsada ang biktima sa suspek sa tuwi raw na nakakainom ito at binabalaang huwag nang umuwi sa kanilang bahay.
Depensa pa ng suspek, inunahan niyang tagain ang biktima, na noo’y tila naghahanap na raw ng batong gagamitin laban sa kaniya.
Nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang suspek na kusang sumuko at posible umanong maharap sa kasong frustrated murder.