February 26, 2025

Home BALITA

'Ginawa itong EDSA busway 'di para sa VIP, para ito sa mga pasahero!'—tauhan ng DOTr-SAICT

'Ginawa itong EDSA busway 'di para sa VIP, para ito sa mga pasahero!'—tauhan ng DOTr-SAICT
Photo courtesy: Screenshots from GMA Integrated News via DOTr-SAICT (TikTok)

Sinaluduhan ng mga netizen ang tauhan ng Department of Transportation-Special Action and Intelligence Committee for Transportation (DOTr-SAICT) na sumita sa isang pulis na kasama umano sa convoy ni Philippine National Police (PNP) Chief Rommel Marbil na hinuli sa bahagi ng EDSA busway bandang Ortigas, dahil sa pagdaan dito, Martes, Pebrero 25.

Sa ulat ng "24 Oras" ng GMA Network, courtesy ng DOTr-SAICT, makikitang nakikipagtalo ang humuling tauhan ng DOTR-SAICT sa pulis na miyembro ng convoy, na nagsabing nagmamadali raw patungo sa Camp Crame sa Quezon City dahil sa emergency.

Hindi raw bumaba ang sakay ng convoy, subalit nang tanungin ang pulis kung sino ang nasa sasakyan, sinabi raw nitong "si PNP Chief."

Maririnig pa sa video na pinagsabihan pa ng humuling tauhan ng DOTR-SAICT ang pulis dahil makikita raw sila ng mga sibilyan sa kanilang pagdaan sa EDSA busway.

Mga solon na nagpatawag sa 'vloggers' inutusan ng Korte Suprema na magkomento sa petisyon nila

"Ay bawal po 'yan dumaan dito sir," aniya. 

"Sir, bawal pong dumaan dito sir. Wala kayong coordination, sana tumawag kayo kaagad, alam n'yo namang... nakikita tayo ng mga sibilyan oh... alam n'yo na 'yan sir eh... oo nga pa-Crame, alam n'yo namang bawal 'yan dito sir eh," paliwanag pa ng tauhan ng DOTr-SAICT. 

Aniya, paulit-ulit na lamang daw ang paglabag at alam naman daw nilang mandato ng batas-trapiko na tanging mga bus lamang ang puwedeng dumaan sa EDSA busway.

Isa pa raw, hindi raw nakipag-coordinate ang convoy sa kanila bago nagdesisyong dumaan sa nabanggit na bus lane.

"Ginawa itong EDSA busway hindi po para sa VIP, para ito sa mga pasahero!" giit pa ng tauhan ng DOTr-SAICT.

Maririnig pang dumepensa ang pulis na hindi naman daw sila VIP kundi mga miyembro nga ng PNP. 

Sagot naman ng humuling tauhan ng DOTr-SAICT, maituturing itong "abuse of authority" dahil hindi naman daw sila nakipag-coordinate muna sa kanila. 

Ayon pa sa ulat, hindi raw natiketan ang convoy na umalis agad, subalit bumalik daw ang isa sa mga convoy para magpatiket.

Umani naman ito ng iba't ibang reaksiyon at komento mula sa mga netizen.

"Grabe ang tapang ng tauhan ng DOTr-SAICT, kudos sa iyo!"

"Tatak tibay at lakas yan ang Hepe. Ang batas ay batas na dapat walang kinikilingan serbisyong totoo lamang."

"Instead na sila pa ung nag papatupad ng batas dahil chief pnp sila pa ung nangunguna na mag violate. Ito pala ung chief pnp na nag Sabi na ok Lang ang mag drugs. Para gising sa Gabi. Kaya ito nadakip."

"Protect this enforcer na nag Sita sa kanila. Kawawa ito sa panahon ngayon. Sa panahon ngayon ni bbm wala Kang kalaban laban pag ikaw Maka laban nila. Isang tawag ka lang. Bukas wala kanang sweldo lahat2. Kawawa pamilya mo."

"Kudos sa humuli, ang tapang mo po! Sana hindi siya tanggalin sa serbisyo dahil sa binangga niya."

KAUGNAY NA BALITA: Convoy umano ni PNP Chief Rommel Marbil, hinuli sa EDSA busway!

Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag ang hepe ng PNP hinggil dito. Bukas ang Balita sa kaniyang panig.