Nilinaw ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na wala siyang kinalaman sa pinag-usapan at kontrobersiyal na traffic rule violation sa pagdaan sa EDSA busway ng convoy na lulan ni Philippine National Police (PNP) Chief Rommel Marbil, Martes, Pebrero 25.
Sa ulat ng "24 Oras" ng GMA Network, courtesy ng Department of Transportation-Special Action and Intelligence Committee for Transportation (DOTr-SAICT), makikitang nakikipagtalo ang humuling tauhan ng DOTR-SAICT sa pulis na miyembro ng convoy, na nagsabing nagmamadali raw patungo sa Camp Crame sa Quezon City dahil sa emergency.
MAKI-BALITA: Convoy umano ni PNP Chief Rommel Marbil, hinuli sa EDSA busway!
Hindi raw bumaba ang sakay ng convoy, subalit nang tanungin ang pulis kung sino ang nasa sasakyan, sinabi raw nitong "si PNP Chief."
Maririnig pa sa video na pinagsabihan pa ng humuling tauhan ng DOTR-SAICT ang pulis dahil makikita raw sila ng mga sibilyan sa kanilang pagdaan sa EDSA busway. Aniya, paulit-ulit na lamang daw ang paglabag at alam naman daw nilang mandato ng batas-trapiko na tanging mga bus lamang ang puwedeng dumaan sa EDSA busway.
Isa pa raw, hindi raw nakipag-coordinate ang convoy sa kanila bago nagdesisyong dumaan sa nabanggit na bus lane.
"Ginawa itong EDSA busway hindi po para sa VIP, para ito sa mga pasahero!" giit pa ng tauhan ng DOTr-SAICT.
MAKI-BALITA: 'Ginawa itong EDSA busway 'di para sa VIP, para ito sa mga pasahero!'—tauhan ng DOTr-SAICT
Ayon pa sa ulat, hindi raw natiketan ang convoy na umalis agad, subalit bumalik daw ang isa sa mga convoy para magpatiket.
Sa isang press briefing, Miyerkules, Pebrero 26, iginiit ni Remulla na may emergency meeting daw sila sa Crame dahil sa isang kidnapping case, subalit hindi raw niya inutusan si Marbil na mag-violate nang anumang traffic law.
"He was aware of the operations, we were in constant communication, I asked him to appear, so kung anuman ang methodology niya para pumunta ro'n, let me make it clear, I did not give instructions to violate any traffic laws to get there..." pahayag ng DILG Sec.
Samantala, wala pang opisyal na pahayag ang hepe ng kapulisan tungkol sa isyu. Bukas ang Balita sa kaniyang panig.