Hinarang at hinuli umano ng mga awtoridad ang convoy na sinasakyan daw ni Philippine National Police (PNP) Chief Rommel Marbil matapos dumaan sa EDSA busway, Martes, Pebrero 25.
Sa ulat ng "24 Oras" ng GMA Network, courtesy ng Department of Transportation-Special Action and Intelligence Committee for Transportation (DOTr-SAICT), makikitang nakikipagtalo ang humuling tauhan ng DOTr-SAICT sa pulis na miyembro ng convoy, na nagsabing nagmamadali raw patungo sa Camp Crame sa Quezon City dahil sa emergency.
Hindi raw bumaba ang sakay ng convoy, subalit nang tanungin ang pulis kung sino ang nasa sasakyan, sinabi raw nitong "si PNP Chief."
Maririnig pa sa video na pinagsabihan pa ng humuling tauhan ng DOTr-SAICT ang pulis dahil makikita raw sila ng mga sibilyan sa kanilang pagdaan sa EDSA busway.
Ayon pa sa ulat, hindi raw natiketan ang convoy na umalis agad, subalit bumalik daw ang isa sa mga convoy para magpatiket.
Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag ang hepe ng PNP hinggil dito. Bukas ang Balita sa kaniyang panig.