March 29, 2025

Home BALITA Politics

Apo nina Ninoy, Cory may plano rin bang pumasok sa politika?

Apo nina Ninoy, Cory may plano rin bang pumasok sa politika?
Photo Courtesy: Ninoy & Cory Aquino Foundation, Ralph Mendoza/BALITA

Bukod sa galing siya sa angkan ng mga lider, hindi maitatanggi ang kaalaman ni Kiko Dee sa politika dahil kasalukuyan siyang senior lecturer sa Department of Political Science sa University of the Philippines - Diliman.       

Natapos niya ang kaniyang undergraduate program na political science sa parehong unibersidad na binanggit noong 2012 at matapos ang dalawang taon ay nakuha naman niya ang Master of Science in Political Science and Political Economy sa London School of Economics and Political Science.

Ngunit nang eksklusibong makapanayam ng Balita si Dee noong Martes, Pebrero 25, hinggil sa posibleng pagpasok sa politika, sinabi niyang “red line” umano ito.

“Kasi una bagama’t iba-iba po ‘yong definition natin ng dynasty, hindi maganda na pare-pareho ‘yong pangalan, ‘yong apelyido ng namumuno sa atin. So siguro out of principle parang ayaw ko ring patagalin ‘yon,” saad ni Dee.

Politics

DepEd nagpaalala laban sa political campaigning sa graduation, moving up ceremony

“At saka siguro ‘yong mas personal ko na reason, nakakatakot po siya talaga,” pagpapatuloy pa niya. “Nakita ko po ‘yong ibinuwis ng Lolo Ninoy ko dahil sa politika. ‘Yong lola ko [...] and then ‘yong Tito ‘Noy ko po, anoman ‘yong opinyon n’yo tungkol sa administrasyon niya halos buong buhay niya ‘yong binuwis niya sa pagiging presidente ng Pilipinas.”

Dagdag pa niya, “‘Yong gano’ng pagkabigo, ‘di ko alam kung kakayanin ko ‘yon. So, siguro for that reason, talagang isa sa pinakakinatatakutan ko ‘yong pagpasok sa politika.”

Ayon kay Dee bagama’t hindi raw niya naabutan ang lolo niyang si dating Senador Benigno “Ninoy” Aquino, Jr., lumaki siya sa kuwento tungkol dito na may isa silang kamag-anak na ibinigay ang buhay para sa bayan.