Nagbigay ng simple subalit makahulugang mensahe ang dating vice president at tumatakbong alkalde sa Naga City na si Atty. Leni Robredo, para sa ika-39 na anibersaryo ng EDSA People Power Revolution I, Martes, Pebrero 25.
Ayon sa Facebook post ni Robredo, ang hindi pagsasabuhay ng mga aral ng EDSA ay pagsayang sa sakripisyo ng mga taong nakisangkot sa nabanggit na People Power, na nagpatalsik sa puwesto kay dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr.
"Commemorating EDSA only once a year, without embracing its lessons in our daily lives, diminishes the sacrifices that made the revolution possible," aniya.
"Para sa ating mga lingkod bayan, ang uri ng ating panunungkulan ang mismong patunay kung isinasabuhay ba natin ang diwa nito," dagdag pa niya.
Sa kasalukuyan, "working holiday" ang paggunita sa EDSA39 bagama't maraming mga paaralan, kolehiyo, at pamantasan na sa bansa ang nagkansela na ng mga klase o inilipat sa asynchronous ang mga klase upang magbigay-daan dito.