Dumulog sa National Bureau of Investigation (NBI) ang Kapuso comedy star na si Pokwang matapos umanong gamitin ng scammer ang lokasyon o address ng kaniyang bahay sa Antipolo, Rizal para sa tinatawag na "staycation scam."
Sa ulat ni Emil Sumangil ng GMA Integrated News sa pamamagitan ng "24 Oras," sunod-sunod daw ang mga dumating na taong kumakatok sa kanilang bahay, na nagke-claim na sa bahay niya ang nakasaad sa na-book nilang staycation resort.
Pinalalabas daw sa isang Facebook page na lokasyon ito para sa staycation, na kinakagat naman ng mga nagnanais na mag-book dito.
Matapos daw ang araw ng mga Puso ay dumagsa na ang mga maya't mayang pumupunta sa kanilang bahay, na nakapag-down na raw sa nakausap nila online.
Sa isang araw daw, mga tatlo hanggang lima ang nagpupunta sa kanilang bahay para mangatok at sabihing naka-book sila para sa staycation.
Kapag kinukompronta naman ang scammer na una nilang naka-transaksyon, hindi na nila makausap dahil bina-block na sila.
Ani Pokwang, hindi raw niya titigilan ang scammer dahil nilagay nito sa risk ang pamilya at privacy nila. Naglagay na sila ng paskil sa gate ng kanilang bahay na isang "private property" ito at hindi isang resort.
Lunes, Pebrero 24, pormal nang naghain ng reklamo si Pokwang sa NBI. Hinikayat niya ang mga nabiktima ng scam na sama-sama silang magreklamo upang mapakulong ang mga nasa likod nito.