Nagsalita si Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro tungkol sa ibinabatong isyu laban kay Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr., na pagtatangka raw na burahin ang alaala ng EDSA People Power I Revolution sa pamamagitan ng hindi pagdedeklara sa araw ng Martes, Pebrero 25, bilang "non-working holiday."
Sa kasalukuyan kasi, "working holiday" ang paggunita sa ika-39 anibersaryo ng EDSA I o "EDSA39," bagama't maraming mga paaralan, kolehiyo, at pamantasan na sa bansa ang nagkansela na ng mga klase o inilipat sa asynchronous ang mga klase upang magbigay-daan dito.
MAKI-BALITA: Ilang mga paaralan, nagdeklara ng kanselasyon ng klase para sa EDSA anniversary
Sa pagharap ni Castro sa media, sinabi niyang wala naman daw matatandaang pinahinto o pinatigil ang Pangulo kaugnay nito.
"Unang-una, isipin po natin, meron po bang pinahinto ang Pangulo na anumang activity na patungkol dito sa commemoration ng EDSA People [Power Revolution]? Since the time po na siya ay naging Pangulo, wala po tayong nadinig na anumang pagpapahinto, ng anumang events and any activities na maaaring mag-commemorate ng nasabing event."
"And at the same time, pansinin po natin, paano po mabubura ang history, history is history. So hindi po kakayanin ng Presidente na ito ay mabura sa ating history," dagdag pa niya.