Ibinahagi ng Office of the Vice President (OVP) ang isinagawa nilang pagpupugay sa mga beterano ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig o World War II mula sa Davao City, noong Pebrero 22.
Sa Facebook post ng OVP nitong Martes, Pebrero 25, kasabay sa paggunita sa ika-39 na anibersaryo ng EDSA People Power Revolution, ibinahagi ng tanggapan ang pagpaparangal nila sa war veterans kaagapay ang City Government of Davao, para sa 80th Manila Liberation Anniversary sa Manila American Cemetery and Memorial sa Taguig City.
"Sina Florante Mallari, 99-taong gulang at naglingkod bilang isang sundalo at Philippine Scout mula 1946 hanggang 1949, at Teofilo Gamutan, 101-taong gulang at pinakamatandang beterano mula sa Davao City ang tumayong kinatawan ng lungsod," mababasa sa kanilang post.
Pinarangalan umano sila ng United States Congressional Gold Medal bilang pagkilala sa kanilang kabayanihan.
"Patuloy ang OVP sa pagkilala at pagbibigay halaga sa sakripisyo ng mga Pilipinong beterano para sa kasaysayan at kalayaan ng bansa," anila pa.