February 26, 2025

Home BALITA National

EDSA 39, ginunita ng iba’t ibang grupo sa People Power Monument

EDSA 39, ginunita ng iba’t ibang grupo sa People Power Monument
(Photo: MJ Salcedo/BALITA)

Nagtipon-tipon ang iba’t ibang mga grupo, kasama na ang mga pari at madre, sa EDSA People Power Monument nitong Martes, Pebrero 25, upang gunitain ang ika-39 na anibersaryo ng EDSA People Power Revolution I.

Nagsimula ang programa ng iba’t ibang grupo sa pamamagitan ng pagmartsa mula EDSA Shrine patungong EDSA People Power Monument bandang 1:30 ng hapon.

Pagdating sa EDSA People Power Monument, nagkaroon ng programa kung saan nagsalita ang ilang mga lider ng mga progresibong grupo at ilang mga personalidad tulad ng apo nina dating Senador Ninoy Aquino at dating Pangulong Cory Aquino na si Kiko Dee.

“Bagama’t iba-iba ang ating pinanggagalingan, bagama’t iba-iba ang politika, iba-iba ang ating kulay, ngayon, pare-pareho ang ating panawagan: Marcos, singilin. Duterte, panagutin. Sara, litisin,” giit ni Dee sa kaniyang talumpati.

National

EXCLUSIVE: Apo nina Ninoy, Cory sa pagsakay umano ng Dutertes sa EDSA39: ‘Wala silang totoong prinsipyo!’

“Nang sa gayon, ay isinasabuhay natin ang diwa ng People Power,” saad pa niya.

Nakiisa rin sa pagtitipon sina ACT Teachers Partylist Rep. France Castro, Kabataan Partylist Rep. Raoul Manuel, labor-leader Atty. Luke Espiritu, Makabayan President Liza Maza, dating Bayan Muna Rep. Teddy Casiño, Gabriela Partylist first nominee Sarah Elago, at labor-leader Jerome Adonis.

Matatandaang noong Pebrero 25, 1986 nang maganap ang EDSA People Power Revolution I kung saan muling naibalik ang demokrasya ng bansa matapos mawakasan ang rehimen ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. sa pamamagitan ng mapayapang rebolusyon.

Inirerekomendang balita