Ipinahayag ni Senador Bong Go na nagsisilbing pag-alala ang anibersaryo ng EDSA People Power Revolution I ng pagbubuklod ng mga Pilipino upang ipaglaban ang pagbabago at demokrasya ng bansa.
Sa isang pahayag, ipinaabot ni Go ang kaniyang pakikiisa sa paggunita ng ika-39 anibersaryo ng EDSA 1 nitong Martes, Pebrero 25, 2025.
“Ngayong February 25, 2025 ang ika-39 na anibersaryo ng EDSA People Power. Ang araw na ito ay nagsisilbing pag-alala sa pagbubuklod ng bawat Pilipino para ipaglaban ang pagbabago at tinatamasang demokrasya para sa bansa,” ani Go.
Binanggit din ng senador na ang EDSA 1 ay isang paggunita sa “kasaysayan kung saan naipamalas ang kapangyarihan ng nagkakaisang Pilipino.”
“Sama-sama nating ipagdasal ang kapayapaan sa bansang Pilipinas,” saad ni Go.
Matatandaang noong Pebrero 25, 1986 nang maganap ang EDSA People Power Revolution I kung saan muling naibalik ang demokrasya ng bansa matapos mawakasan ang rehimen ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. sa pamamagitan ng mapayapang rebolusyon.