Kinondena nina dating Senador Ninoy Aquino at dating Pangulong Cory Aquino na si Kiko Dee ang pagdeklara ng Malacañang sa ika-39 anibersaryo ng People Power Revolution nitong Martes, Pebrero 25, na “special working day” sa halip na “non-working holiday.”
Sa eksklusibong panayam ng Balita, iginiit ni Dee na tila “sini-single out” umano ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang anibersaryo ng EDSA.
“Parang first of its kind ang special working holiday. Wala siyang kahawig. Mag-isa lang siya. Ewan ko kung bakit sini-single out ni President Marcos yung EDSA. Although malamang dahil unrepentant son siya ng isang diktador,” ani Dee.
“Yung EDSA ay yung panahon na sinabi ng taumbayan na maling-mali ang ginawa ng Pangulong Marcos Sr. sa ating bayan. At siguro kung gusto niyang linisin yung pangalan ng tatay kahit na sobrang dami ang nabiktima ng rehimen niya, yun yung kailangan niyang gawin. Kailangan niyang burahin yung EDSA,” dagdag niya.
Kaugnay nito, iginiit ni Dee, lecturer ng Political Science sa University of the Philippines-Diliman, na dapat umanong matuto si PBBM sa kasaysayan.
“Kung hindi man sa 1986, matuto po siya sa 2024. Noong 2024, sinubukan niyang galawin yung People Power holiday. Nagsilabas ang taumbayan, binigo yung kanilang balak na Charter Change,” giit ni Dee.
“Ngayon, magiging accountable din sila para sa lahat ng katiwalian na gagawin nila,” saad pa niya.
Matatandaang noong Oktubre 2024 nang ilabas ng Malacañang ang Proclamation 727 na nagdedeklara ng regular holidays at special (non-working) days para sa 2025, kung saan “special working day” ang Pebrero 25 o ang anibersaryo ng EDSA I.
BASAHIN: ALAMIN: Listahan ng mga holiday para sa 2025
Noong Pebrero 25, 1986 nang maganap ang EDSA People Power Revolution I kung saan muling naibalik ang demokrasya ng bansa matapos mawakasan ang rehimen ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. sa pamamagitan ng mapayapang rebolusyon.