February 24, 2025

Home BALITA National

VP Sara, pinuri militar sa pagtugis sa lider ng NPA: ‘Tuluyang ibagsak ang CPP-NPA-NDF!’

VP Sara, pinuri militar sa pagtugis sa lider ng NPA: ‘Tuluyang ibagsak ang CPP-NPA-NDF!’
VP Sara Duterte (Santi San Juan/MB)

Binigyang-pugay ni Vice President Sara Duterte ang Hukbong Sandatahang Lakas ng Pilipinas dahil sa naging pagtugis daw ng mga ito sa kilalang highest-ranking official ng New People’s Army (NPA) sa Mindanao, kung saan iginiit niyang dapat na umanong ibagsak ang Communist Party of the Philippines (CPP)-NPA-National Democratic Front (NDF) o CPP-NPA-NDF.

Sa isang pahayag nitong Lunes, Pebrero 24, ipinaabot ni Duterte ang kaniyang pagbati sa mga kasapi ng 4th Infantry (Diamond) Division ng Cagayan de Oro at 901st (Fight 'Em) Brigade ng Surigao del Norte sa Hukbong Sandatahang Lakas ng Pilipinas dahil sa matagumpay umano nilang operasyon sa pagtugis sa kilalang Top NPA leader sa Caraga Region na si Myrna Sularte alyas “Ka Maria Malaya” sa isang engkwentro sa Agusan del Norte noong Pebrero 12.

“Sa mahabang panahon, pasakit para sa maraming mga Pilipino lalo na sa Mindanao ang insurhensiyang pinangunahan ni Sularte. Siya ang itinuturing na isa sa mga matataas at importanteng bahaging CPP-NPA-NDF sa bansa,” giit ni Duterte.

“Sa kalupitan at kawalang saysay ng digmaan ni Sularte ay ang hindi mabilang na mga biktima ng pagpaslang, pagdukot, torture at pananakot ng mga sibilyan - kasama na rin ang pag-armas sa mga menor de edad. Ang kanyang katapusan sa kamay ng ating mga magigiting na sundalo ay simula ng panibagong yugto para sa mga komunidad na dumanas ng kalupitan ng CPP-NPA-NDF.”

National

69% ng mga Pilipino, suportado ang AKAP<b>—</b>OCTA Research

Ayon pa sa bise presidente, nagpapatuloy umano ang banta ng terorismo sa bansa sa “pamamagitan ng mga ahente ng insurhensiya na ngayon ay bahagi ng ating burukrasya.”

“Agresibo sila sa pagpapalaganap ng baluktot na aydolohiya [ideolohiya] ng CPP-NPA-NDF kasabay ng mga propaganda laban sa mga hadlang sa kanilang layunin,” ani Duterte.

“Si Sularte ay bahagi lang ng problema natin sa insurhensiya. Kailangan pa rin nating maging mapagmatyag laban sa terorismo at kriminalidad. Lumaban tayo at tuluyang ibagsak ang CPP-NPA-NDF,” saad pa niya.