Nagkasa ng prayer vigil ang ilang Catholic churches mula sa iba't ibang panig ng mundo, kasunod nang paglubha ng kondisyon ni Pope Francis.
Noong Linggo, Pebrero 23, 2025 (araw sa Pilipinas) nang kumpirmahin ng Vatican na nasa kritikal na kalagayan ang Santo Papa matapos niyang makaranas ng respiratory attack dahil umano sa dami ng oxygen at blood transfusions bunsod ng kaniyang pneumonia.
KAUGNAY NA BALITA: Pope Francis, nasa kritikal na kondisyon ang kalusugan
Matatandaang noong Pebrero 14 nang ma-confine sa Rome Gemelli Hospital ang 88-anyos na Santo Papa.
KAUGNAY NA BALITA: CBCP, nanawagang ipagdasal ang health condition ni Pope Francis
Bunsod nito, iba't ibang Catholic churches ang nanawagang ipagdasal ang kondisyon ng Santo Papa.
Sa isang cathedral sa Buenos Aires, Argentina kung saan minsang naging arsobispo si Pope Francis, isang malaking TV screen ang kanilang ikinabit upang ibida ang mga nagawa ng Santo Papa na sinabayan din ng special mass para sa kaniya.
Nagsagawa na rin ng misa para sa Santo Papa ang Pilipinas sa Manila Cathedral kamakailan, kasunod din ng panawagan ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP).
Isang misa rin ang isinagawa sa Canada sa pangunguna ng Canadian Conference of Catholic Bishops (CCC).
Sa kabila ng malaking pagkakaiba sa paniniwala at relihiyon, ilang simbahan mula naman sa Iraq ang nagpaabot ng dasal para kay Pope Francis.
Nagbigay rin ng kani-kanilang dasal para sa kalusugan ng Santo Papa at muli niyang pagbabalik sa apostolic duty ang mga bansang katulad ng Uruguay, Mexico, Chila, Pero, Nicaragua at Brazil.