“Bawal ang sinungaling…”
Nangako ang bagong Ad Interim Secretary ng Presidential Communications Office (PCO) na si Jay Ruiz na lalabanan niya ang “fake news” matapos niyang manumpa sa posisyon nitong Lunes, Pebrero 24, sa pangunguna ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Nitong Lunes nang pangunahan ni Marcos ang panunumpa ni Ruiz sa bilang bagong kalihim ng PCO, kung saan kasama sa seremonya si Atty. Clarissa Castro, na nanumpa naman bilang PCO undersecretary.
Kaugnay nito, sa isang panayam ng mga mamamahayag, sinabi ni Ruiz na ang gusto raw ng administrasyon Marcos ay maibigay ang kanilang mensahe sa mga ordinaryong Pilipino.
“Ang gusto nating mangyari ay malaman at maramdaman ng tao na ang gobyerno ay para sa tao. Marami pong mga programa na kinakailangang malaman: programa sa edukasyon, mga libreng pabahay, state-owned na pabahay, para naman sa ating mga kapos-palad sa tao. Kinakailangan pong mapalapit ang gobyerno sa tao,” aniya.
Sinabi rin ni Ruiz na layon nila sa PCO na labanan ang mga maling impormasyon, at iginiit niyang “bawal ang sinungaling.”
“Kinakailangan din po natin labanan ang mga fake news, lalong-lalo na ‘yung kasinungalingan, kasi ‘yun ang nakakasama sa atin,” ani Ruiz.
“Bawal ang sinungaling. Syempre maraming nagpapakalat ng fake news ngayon, lalabanan natin ‘yan. Magkakaroon tayo ng public information responsibilities. Kayong mga vlogger, kinakailangan nating magkaroon ng responsibilidad. May responsibilidad din tayo sa mga tao na magsabi ng katotohanan,” saad pa niya.
Itinalaga si Ruiz bilang bagong Ad Interim Secretary ng PCO matapos magbitiw sa posisyon ni veteran broadcaster Cesar Chavez.
MAKI-BALITA: Matapos magbitiw ni Chavez: Dating reporter Jay Ruiz, papalit bilang bagong PCO chief