April 01, 2025

Home FEATURES Trending

Estudyanteng crew sa isang fast food chain, na-trauma dahil umano sa toxic manager

Estudyanteng crew sa isang fast food chain, na-trauma dahil umano sa toxic manager
Photo Courtesy: Nezel Dionaldo (FB)

Viral sa social media ang ibinahaging karanasan ng isang estudyante bilang service crew sa isang fast food chain sa Rockwell.

Sa Facebook post ni Nezel Dionaldo kamakailan, sinabi niyang “wala raw kuwenta” ang manager niya sa pinagtrabahuhang fast food chain sa loob ng halos walong buwan.

“Alam mo bakit sinabi ko na walang kwenta ang manager? Dahil nangurot, nagmura, nambully, nang discrimination, nandurog ng pagkatao. Napahiya sa kapwa crew,” lahad ni Nezel.

“Discrimination talaga malala sa pagkatao ko,” pagpapatuloy niya. “Tas para daw akong patay. Pati kung saan ako lumaki na discriminate din ang sabi nya ‘Wag mo dadalhin pagka-iskwater mo sa rockwell.’ Hindi ko alam bakit ganyan ugali ng manager nayan. Dilang naman ako na bully ng manager nayan.”

Trending

Beki, nasaraduhan sa ukay-ukay; nagpasaklolo sa mga kaibigan

Ayon kay Nezel, kahit isumbong daw sa RGM [Restaurant General Manager] ang nasabing insidente ay hindi raw siya kinakampihan nito.

“Lagi kaseng ‘TAMA’ sa RGM yan. Kahit sagutin mo or labanan yan dimo pwedeng gawin kase nga ‘MANAGER MO,’” aniya.

Umabot na rin daw sa puntong dahil sa sobrang pagod at stress ay nagkaroon siya ng pneumonia at ulcer.

Habang isinsulat ang artikulong ito, humamig na ng 82k reactions, 9.1k comments, at 35k shares ang post ni Nezel. 

Sa eksklusibong panayam ng Balita, sinabi ni Nezel na hindi pa rin daw siya okay hanggang ngayon.

“Di pa po ako ok kasi andito pa rin po ‘yong sakit na nararamdaman ko na tinatago after 2 years,” sabi niya.

Kaya naman ikinonsidera daw niya na maghain ng reklamo sa Department of Labor and Employemnt (DOLE) hinggil sa nangyari.

Gayunman, ayon kay Nezel, ginagawan na raw ng aksyon ng pamunuan ng pinagtrabahuhan niyang fast food chain ang nasabing isyu.

Ayon sa kaniya, “Nakausap ko na po HR and Vice President. Ginagawa na nila ng action step by step at papakinggan ang panig ng Manager at RGM.”

Sa kasalukuyan, hinihintay na lang daw ni Nezel ang graduation niya sa darating na Abril.

Samantala, sinubukan ng Balita na hingin ang panig ng nasabing fast food chain tungkol dito ngunit hindi pa sila tumutugon.