Nagbigay ng pananaw si ACT Teachers Representative France Castro kaugnay sa desisyon ni Senate President Chiz Escudero sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Escudero, gugulong ang paglilitis kay Duterte pagkatapos ng State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa Hulyo.
Sa latest episode ng “Morning Matters with Gretchen Ho” nitong Lunes, Pebrero 24, sinabi ni Castro na hindi raw sila sang-ayon sa ibinigay na petsa ni Escudero para sa impeachment trial ng bise presidente.
“We do not agree kasi ‘yong ‘forthwith’ sinasabi immediate. So it is the mandate of the Senate, the senators, na harapin agad ‘yon kapag napunta na sa Senado ‘yong complaint," saad ni Castro.
“So, tingin natin parang delaying tactics ito ng Senate President,” pagpapatuloy niya. “Pero mayro’n pa namang enough time e ‘yong 19th Congress. Sinasabi rin naman na puwedeng tumawid do’n sa 20th Congress.”
Pero ayon kay Castro, gusto na raw nilang matapos ang impeachment trial sa 19th Congress.
Samantala, sa isang panayam naman kay Senador Win Gatchalian noong Pebrero 22, sinabi niyang posible raw simulan sa Hunyo 2 ang impeachment trial laban sa bise presidente.
MAKI-BALITA: Impeachment trial kay VP Sara, posibleng simulan ng Senado sa Hunyo 2 – Gatchalian