Usap-usapan ng mga netizen ang social media video ng former actor-turned-rapper na si Carlos Agassi patungkol sa dati niyang kinabibilangang all-male group na "The Hunks."
Ang The Hunks ay isa sa mga sumikat na grupo sa ABS-CBN na kinabibilangan nina Piolo Pascual, Diether Ocampo, Bernard Palanca, at Jericho Rosales.
Sinagot kasi ni Amir ang tanong sa kaniya ng netizen na "Nagkikita pa ba kayo ng dati mong kagrupo na The Hunks?”
Sagot niya, "Guys, kaya nga nabuwag kasi gusto ng kaniya-kaniyang career ng iba. Kasi, ‘pag group, pantay-pantay kami sa lahat eh, sa exposure, sa TF [talent fee], sa career. So, para makaangat ‘yong iba, parang nabuwag. Gano’n na nga ‘yong nangyari.”
Pero sa ngayon daw, wala na raw silang komunikasyon sa isa't isa, at tila may pasaring ang rapper na wala raw nag-check sa kaniya nang mapilayan siya noong 2022 sa paglalaro ng basketball, at kailangan niyang sumailalim sa operasyon sa tuhod.
Hindi naman daw masama ang loob niya sa mga dating kasama dahil "ganoon naman daw talaga ang buhay."
“Wala na, wala na talaga. Kahit no’ng napilayan ako, walang nag-check sa akin,” aniya.
“Okay lang, gano’n talaga ang buhay eh,” pahayag niya.
Kuwento pa ni Carlos, “Naalala ko nga, nasa States ako, may magko-concert, babayaran daw nila ako para mag-guest. Sabi ko, ‘Hindi, brother kita, kuya ko kayong lahat, ako’ng pinakabata, eh. Tara, walang bayad, I’ll do it for you, my bro.’ So, ginawa ko."
Pero nang ilabas daw niya ang single niyang "Milk Tea" at nangailangan siya ng tulong para sa music video, wala raw nag-reply sa kaniyang message at nag-seen lang.
"Heto na, gumawa ako ng Milk Tea, marami akong minessage para lumabas sa music video – Seen! Tapos nagkita-kita kami no’ng birthday ni Mr. M [Johnny Manahan], siyempre, showbiz, ‘Hi guys!’ Binati pa nila ako lahat, sila pa unang bumati.”
“Gano’n talaga ang buhay, guys. Pero hindi masama ‘yon, gano’n talaga, eh. That’s life,” aniya.
"Di ba, kumbaga, magkakakompetensiya kami. Ayaw nilang makabalik ako. So, tama kayo, mali ako. Walang hatred, that’s love," pahayag pa niya.
Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag tungkol dito sina Piolo, Diether, Bernard, at Jericho.