Iginiit ni Senate President Chiz Escudero na hindi umano siya interesadong pumalit bilang Pangalawang Pangulo ng bansa, kung sakaling tuluyang umusad ang impeachment trial kay Vice President Sara Duterte.
Sa panayam ng isang lokal na pahayagan kay Escudero kamakailan, sinabi niyang bagama’t pasok siya sa maaaring pagpilian ng Pangulo bilang Vice President, nilinaw niyang hindi umano siya interesado sa nasabing posisyon.
“That is an unfair question because the entire Congress above the age of 40, and all of the senators, can be a choice of the President (for vice president),” anang Senate President.
Dagdag pa niya, “I am simply one of them. But if you ask me, I am not interested.”
Matatandaang makailang ulit na rin nabanggit ng Senate President na hindi umano siya awtomatikong aakyat sa posisyon ng Vice President kung sakaling ma-impeach si VP Sara, alinsunod sa nakasaad sa Section 9 ng Article VII ng 1987 Konstitusyon.
KAUGNAY NA BALITA: SP Chiz, nilinaw na hindi Senate President ang papalit kapag na-impeach si VP Sara
Binanggit din ni Escudero na tila hindi rin umano magandang tingnan kung sakaling siya ang papalit sa umano’y nakaambang mabakanteng posisyon ng Bise Presidente.
“It would not be good to look at. It would be more prudent for those who voted to, if at all, remove the Vice President, to decline any such offer or nomination,” saad ng Senate President.