Iginiit ni dating Solicitor General Atty. Alberto Agra na hindi umano uusad ang mga petisyong kumukwestiyon sa ilang kandidato kaugnay ng political dynasty sa bansa, bunsod umano ng kawalan ng batas patungkol dito.
Sa panayam TeleRadyo Serbisyo kay Atty. Agra kamakailan, inihayag niyang wala raw sapat na batas ang Pilipinas na nagbabawal sa political dynasty.
“Wala kasing enabling law o batas galing sa Kongreso na nagde-define ng (political dynasty) except for SK at sa BARMM pero patungkol sa ibang mga posisyon, wala pang batas tungkol dyan,” ani Agra.
Dagdag pa niya, “Anumang kaso na sinasabing miyembro ka ng political dynasty para i-disqualify ka, palagay ko hindi ‘yan uusad. Walang repormang aasahan, karamihan ng naka-upo ay miyembro ng dinastiya, may kanIya-kanIya silang justification na hindi ito masama.”
Matatandaang isang petitsyon ang kumukwestiyon kina senatorial aspirant Rep. Erwin Tulfo, Rep. Jocelyn Tulfo, Rep. Ralph Wendel Tulfo, Wanda Teo, at senatorial aspirant Ben Tulfo, kaugnay ng pagiging halimbawa raw nila ng political dynasty sa pamahalaan.