Nagbigay ng mensahe ang showbiz insider na si Ogie Diaz para sa mga kumakandidato ngayong 2025 National and Local Elections (NLE).
Sa isang Facebook post ni Ogie noong Sabado, Pebrero 22, sinabi niyang sagutin daw sana ng tumatakbong indibidwal kapag tinatanong kung anong batas ang isusulong kapag naluklok sa pwesto.
“Kasi batayan din yan ng mga botante kung karapat-dapat kayong iboto pagkatapos marinig ang mga plano n’yo para sa bayan o sa mga constituents n’yo,” paliwanag ni Ogie.
“Hindi yung gagamitin mo na lang yung gasgas nang narrative na, ‘Naghihirap na ang bansa. Ang iniisip natin ay kung paano makakatulong sa kanila.’ Ang linaw ng tanong: anong batas nga?!” wika niya.
Dagdag pa ng showbiz insider: “Gamit na gamit na ang mahihirap nating kababayan, pero hanggang kampanya at eleksyon lang ba sila mabango at kailangan ng mga tumatakbo?”
Kaya panawagan niya, pag-aralan daw sana ng mga kumakandidato ang papasuking politika.
“Hindi porke malinis ang puso mo, pwede na. Salamat kung totoong malinis ang puso mo, ha? Pero kailangan din ng UTAK. Higit sa lahat — ng malinis na KUNSENSIYA,” aniya.