"Okay na 'to!"
Patok na patok ngayon, ginagaya, at ginagawan ng memes ang social media personality na si "Grace Tanfelix" dahil sa kaniyang cooking vlogs at videos, lalo na sa social media platform na TikTok.
Bukod sa nagsasarapang pagkaing niluluto niya sa kaniyang bahay, hit sa mga netizen ang sinasambit niyang "Okay na 'to!" kapag tapos na and ready to eat na ang kaniyang nilutong pagkain.
Plus factor pa rito na nanay siya ng Kapuso actor at "Batang Riles" star na si Miguel Tanfelix, na paminsan ay napapasama pa sa vlogs at videos niya, bilang "tagatikim" o tagakain ng kaniyang niluto.
Ang "Okay na 'to" ay ginawang memes na rin ng ilang content creator, at kapag sinabing "Sinapian ka ni Grace Tanfelix," mapapasabi ka na rin ng "Okay na 'to" sa kahit na anumang ginagawa mo, halimbawa, trabaho sa opisina, pinagkakaabalahan sa eskuwela, o kung ano pa mang activities na hindi naman related sa pagluluto.
Mukhang aware naman si Mommy Grace na patok siya ngayon kaya gumawa siya ng compilation ng cooking videos niya na nagsasambit ng "Okay na 'to."
Maging ang anak na si Miguel ay gumawa na rin ng video para gayahin ang mama niya, habang nasa set naman ng Batang Riles.
ANG "OKAY NA 'TO" SA KULTURANG PILIPINO
Ang konsepto ng "Okay na 'to?" ay kadalasang ginagamit sa Pilipinas upang ipahayag na sapat na ang isang bagay o sitwasyon, na sa palagay ng isang tao ay pulido na o uubra na.
Ito ay maaaring gamitin sa iba't ibang paraan depende sa konteksto. Halimbawa, puwede itong sabihin ng isang tao pagkatapos nilang ayusin ang isang bagay at gusto na nilang gamitin ito, o kaya naman bilang sagot sa tanong kung kumusta na ang isang sitwasyon.
May iba't ibang kahulugan depende sa tono at sitwasyon kung saan ito ginagamit, pero sa pangkalahatan, nagpapahiwatig ito ng kasiyahan o satisfaction sa kasalukuyang kalagayan ng isang bagay.
Minsan, may ilan namang nagsasabi na lamang na "Okay na 'to" kahit hindi pa naman talaga maayos, for the sake lamang na matapos na. O kaya naman, walang ibang mapili, kung sa usapin naman ng pagpili sa pinakamahusay. Puwede rin itong mag-settle na lamang kung ano ang mayroon o existing.
Ikaw, kailan ka huling nagsabing "Okay na 'to?"