February 23, 2025

Home BALITA National

Impeachment trial kay VP Sara, posibleng simulan ng Senado sa Hunyo 2 – Gatchalian

Impeachment trial kay VP Sara, posibleng simulan ng Senado sa Hunyo 2 – Gatchalian
MULA SA KALIWA: Sen. Win Gatchalian at VP Sara Duterte (FB; MB file photo)

Inihayag ni Senador Win Gatchalian na posibleng sa Hunyo 2, 2025 na simulan ng Senado ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.

Sa panayam ng DWIZ nitong Sabado, Pebrero 22, ipinahayag ni Gatchalian na sa pagpapatuloy ng sesyon sa Hunyo posibleng simulang dinggin ang ipinasang impeachment complaint ng House of Representatives.

“Pwede naman sa pag-resumption ng session, sa June 2. I’m sure doon na babasahin iyan,” ani Gatchalian.

“Doon na magkakaroon ng pag-uusap. At tingin ko pwede na ring i-convene right away yung impeachment court dahil nga ganoon ang precedents eh,” dagdag niya.

National

CIDG chief Torre, pinuri ng mga kongresista sa pagtindig kontra 'fake news'

Samantala, sinabi rin ng senador na ang naging kumplikasyon daw ng naturang impeachment complaint laban kay Duterte ay ang oras ng pagpapasa ng House of Representatives sa Senado.

“Ang naging kumplikasyon kasi dito sa impeachment na ito, una-una, late na dumating sa Senado. At pangalawa, last day pa. So, hindi na siya naipasok sa reference of business. Ibig sabihin, walang formal information sa mga senador na merong ganitong communication na articles of impeachment na dumating sa Senado,” saad ni Gatchalian.

Matatandaang noong Pebrero 5, 2025—ang huling araw ng sesyon ng Kongreso—nang ipadala ng House of Representatives sa Senado ang naipasang impeachment case laban kay Duterte matapos pumirma rito ang 215 mga kongresista.

Noong Pebrero 10 naman nang sabihin ni Senate President Chiz Escudero na magsisimula ang paglilitis ng Senado sa naipasang impeachment complaint laban kay Duterte pagkatapos ng State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

MAKI-BALITA: Impeachment trial kay VP Sara, sisimulan pagkatapos ng SONA – SP Chiz

Samantala, noon lamang Martes, Pebrero 18, ay sumulat si Senador Koko Pimentel kay Escudero upang igiit na dapat nang dinggin ng Senado ang impeachment complaint laban kay Duterte dahil nakasaad daw sa Konstitusyon ang salitang “forthwith,” na may Filipino translation na “agad.”

MAKI-BALITA: Pimentel, sinulatan si SP Chiz ukol sa VP Sara impeachment; iginiit Fil. translation ng 'forthwith'

Sinang-ayunan naman ni Senador Risa Hontiveros ang naturang tindig ni Pimentel.

MAKI-BALITA: Sen. Risa, sang-ayon kay Sen. Koko na dapat dinggin na agad impeachment vs VP Sara

Pagkatapos nito, noong Biyernes, Pebrero 21, nang sabihin ni Escudero na kokonsultahin niya ang kaniyang mga kapwa senador kung “available” ang mga itong pag-usapan ang impeachment trial ni Duterte.

MAKI-BALITA: SP Chiz, kokonsultahin daw mga senador hinggil sa impeachment trial kay VP Sara

Sinabi naman ni Gatchalian sa naturang panayam nitong Sabado na handa siya kapag nagpatawag ng pagpupulong si Escudero hinggil sa nasabing impeachment case.