Nagpahayag ng pagbati si House Speaker Martin Romualdez sa Philippine Health Insurance Corporation’s (PhilHealth), kaugnay ng pagpapalawig nito ng mga benepisyo para sa outpatients at emergency care.
Sa inilabas na press release ni Romualdez nitong Linggo, Pebrero 23, 2025, iginiit niyang ang naging pagbabago raw sa serbisyo ng PhilHealth ang repormang kailangan ng taumbayan.
“Ito ang klase ng repormang diretsong nararamdaman ng tao. Mas maraming Pilipino na ngayon ang makakapagpagamot agad, hindi na kailangang maghintay ng matagal o matakot sa gastos bago magpunta sa ospital,” anang House Speaker.
Isinaad din ni Romualdez na hindi dapat maging pribilehiyo ang serbisyong pangkalusugan.
“Malaking hakbang ito, pero hindi pa tapos ang laban. Ang totoong pagsubok ay siguraduhin na walang Pilipinong napagkakaitan ng serbisyong medikal. Dapat madali, mabilis, at episyente ang proseso. Ang serbisyong pangkalusugan ay hindi dapat isang pribilehiyo—dapat ito’y karapatan ng bawat Pilipino," ani Romualdez.
“Sa dulo, hindi lang ito tungkol sa budget o benepisyo. Tungkol ito sa buhay ng bawat Pilipino. Kaya dapat tayo mismo—gobyerno, ospital, at taumbayan—ay magkaisa upang tiyakin na ang serbisyong ito ay tunay na mararamdaman ng lahat,” saad ng House Speaker.