Sabi nga sa isang matandang kasabihan, "Huli man daw at magaling, naihahabol din!"
Minsan, may mga bagay tayong iniisip nating hindi na natin makakamit dahil sa tagal o pagkaantala sa pagdating sa atin, ngunit ibibigay ito sa tamang oras, sa ayon sa kalooban ng Panginoon.
Katulad ng tagumpay ni Engr. Renair Palabasan, isang graduate ng Rizal Technological University (RTU), na matapos ang sampung taon sa kolehiyo, ay nagtapos rin ng kaniyang pag-aaral at nakamit pa ang puwesto sa Top 10 ng 2024 Electronics Engineering Licensure Exam.
"'The best lesson that you will learn in engineering is not mathematics and science. It's the mindset that no matter how difficult the situation is, giving up is not an option...;" panimula ni Engr. Renair sa kaniyang Facebook post, noong maka-graduate siya mula sa degree program.
"Hayyss finally! Akala ko noon imposible na para sa akin na makapagtapos dahil sa ilang taon kong pagtigil sa kolehiyo, at nong bumalik ako sa pag-aaral nagbago na ang curriculum (subject lineup) sa college nationwide," pagpapatuloy pa niya.
"Muntik pa nga akong hindi tanggapin ng school noon dahil hindi na offered ang mga subjects ko under the current curriculum. Buti nalang matigas ang ulo ko hahah char ."
"De joke lang... Kung talagang para sayo ay ipagkakaloob talaga sayo. Totoo na may mga sitwasyon talaga sa buhay na sa unang tingin mo napaka imposibleng lusutan, pero yun pala ang magbibigay sayo ng magandang karanasan para matutunan mo na magtiwala sa sarili mo at higit sa lahat sa magagawa ng Diyos."
"Yun langss. Saka ko na cguro gawan nang novela ito pag nakapasa na...," aniya pa.
At tila nagdilang-anghel naman siya dahil matapos ang dibdibang pagre-review para sa board exam, finally ay nakapasa nga siya. Hindi lamang pasado, kundi nakopo pa niya ang 10th spot!
"Officially sworn in as a full-fledged Electronics Engineer! This moment is not just mine but belongs to everyone who supported me along the way. Grateful for this milestone and excited for the journey ahead.." saad niya sa kaniyang Facebook post noong Disyembre 2024.
Eksklusibong kinumusta at kinapanayam ng Balita si Engr. Renair makalipas ang dalawang buwan. Ikinuwento niya ang nangyari kung bakit siya umabot ng sampung taon sa kolehiyo bago siya nakapagtapos. Aniya, na-relocate daw sila sa kanilang tinutuluyan noong una dahil madadamay raw ang kanilang lugar sa road widening ng pamahalaan.
Nang mga panahong iyon ay nasa third year na kaniyang degree program si Engr. Renair. Aminado siyang lalo raw bumigat ang pagdadala ng kanilang buhay dahil sa pagkakalipat nila sa pabahay ng National Housing Authority o NHA, matapos silang i-relocate ng pamahalaan.
"Ang pasok ko pa no'n from Mondays to Saturdays, except Sundays," kuwento ng engineer. "Kailangan ko pa talagang bumiyahe noon, apat na oras, mula Baras hanggang RTU. Natatandaan ko ang baon ko no'n, 200 pesos, hindi pa kasama 'yong pagkain," aniya.
Nagdesisyon na raw siyang tumigil na muna sa pag-aaral para magtrabaho at nang makatulong sa kaniyang pamilya.
"I decided to stop muna, having a mindset na hindi naman karera ang pag-aaral, sabi ko madali naman makabalik sa school, nag-stop muna ako, rumaket muna ako and nag-call center ako," aniya.
Pagkatapos daw, mga tita raw at mga magulang niya ang humikayat sa kaniyang bumalik pa rin sa pag-aaral. Subalit ang inakalang madali lang, mahirap daw pala dahil nagbago na ang curriculum para makaagapay sa pagbabagong dulot ng K-12 curriculum.
Kaya ang mga dating asignaturang na-take na, kinailangan niyang ulitin, at ang iba naman ay nahirapan siyang kunin dahil wala nang bakanteng propesor o instructor para dito.
Malaking tulong para sa kaniya na may mga nakasama pa siyang nag-aaral na inabutan na rin ng pagbabago sa curriculum.
PAGIGING TOPNOTCHER
Nang matanong naman siya kung planado o inisip ba niyang mag-topnotcher, aminado si Engr. Renair na una pa lang, "takot" na siyang kumuha ng board exam dahil nga sa kaniyang sitwasyon. Nagbago rin daw ng set ng tanong ang Professional Regulatory Commission (PRC) sa kanilang board exam, na naka-align sa binagong curriculum.
Pero malaking bagay raw nang mag-take na siya ng pre-board exam at nakita ng mga propersor niyang may laban siya para makakopo sa pagiging topnotcher. Hindi nga sila nagkamali matapos niyang maging top 10.
"Nakita nila 'yong potential ko, so pinush nila ako," ani Engr. Renair.
Halo-halo raw ang naging emosyon niya sa actual test-taking; sa katunayan, noong day 2 raw ay nakalimutan pa niyang maghanda ng baon dahil sa pagmamadali.
MENSAHE SA MGA KAGAYA NIYA
Mensahe ni Engr. Renair sa mga kagaya niyang namalagi nang matagal sa pag-aaral, "Sa buhay natin, may pagkakataon talagang nadadapa tayo, pero it doesn't mean na nadapa tayo, hindi na tayo makakabangon."
"May mga pagkakataon sa buhay natin na 'pag dumating 'yong mabigat na pagsubok sa atin, it doesn't mean na habambuhay na tayong talunan. Circumstance does not define your future, so hangga't may buhay tayo, may pag-asa."
"Pupuwedeng bumangon, puwede tayo mag-comeback ulit, so everything is possible lalo na kung nilakipan natin ng pananampalataya sa Diyos. Alam naman nating ang Ama ay wala pong imposible sa Kaniya. Lahat po ay kaya Niyang gawin," aniya.
Sa kasalukuyan daw ay naghahanap pa rin ng oportunidad si Engr. Renair at ineenjoy pa ang moment simula nang magtapos siya.
Congratulations, Engr. Renair Palabasan!