Isang punerarya mula sa Calasiao, Pangasinan ang na-scam umano matapos magpanggap ang isang customer na may ipakukuha umanong bangkay sa isang ospital.
Ayon sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon noong Biyernes, Pebrero 21, 2025, sa halip na kumita ng ₱180,000, naloko umano sila ng isang customer at na-scam ng tinatayang ₱23,700.
May tumawag umano sa punerarya at nagtanong kung magkano ang metal casket at kanilang serbisyo.
"Ang nasabi kong presyo is ₱180,000. Kasama na yung pick-up [sa ospital] kasi metal casket yung gusto para sa mama nila," saad ng caretaker ng punerarya.
Makalipas ang ilang oras, tumawag daw muli ang naturang customer at iginiit na namatay daw ang tiyuhin nito at hindi nila mailabas sa ospital sa San Carlos City dahil sa nakabinbing hospital bills nito.
Ayon sa nasabing caretaker, nagpadala umano siya ng ₱23,700 upang mabayaran ng naturang customer ang kanilang hospital bills at saka nila ito pupuntahan sa ospital upang makuha ang bangkay.
Pagdating daw nila sa ospital, ay wala sa record nito ang pangalan ng bangkay na kanilang tutubusin.
"Para kaming na-hypnotize. Hindi na namin nakuhanan ng identity, pati yung hospital bills hindi na namin natanong," saad ng caretaker ng funeral home.
Bunsod nito, nagbabala naman ang Pangasinan Police Provincial Office (PPO) sa mga nagnenegosyo hinggil sa kanilang mga nakaka-transaksyon.
"Huwag mag-atubili na i-report ito agad sa ating mga awtoridad lalo na sa ating kapulisan dito sa Pangasinan, sa ating mga police station. Kung may nangyaring transaksyon, agad i-secure ang kanilang mga account," saad ni Police Lieutenant Trisha Guzman.