Nasungkit ng pelikulang "Sunshine" na pinagbibidahan ni Kapamilya star Maris Racal ang parangal na Crystal Bear for the Best Film sa 75th Berlin International Film Festival o tinatawag ding Berlinale.
Sa direksyon ni Antoinette Jadaone, ang kuwento ng pelikula ay tungkol sa isang atletang nagbuntis sa hindi inaasahang pagkakataon, gayong naghahanda pa naman siya sa pagsabak sa kaniyang laban.
Makikita ang anunsyo sa Instagram post ng Berlinale.
Bukod dito, sold-out din ang pelikulang Pinoy sa naganap na premiere night.
Sa panayam ng ABS-CBN News kay Maris, aminado siyang pangarap na niya noon pa man ang makasali at makadalo sa isang international film festival.
"Matagal ko ‘tong hinintay na maka-attend sa isang prestigious film festival like Berlinale. I’m also very happy to announce din that Sunshine will be in competition under the Generation 14 plus category which tackles stories about children, teenagers," aniya.
"Super happy kami kasi it’s only one of the two films in competition, it’s a huge thing for us," dagdag pa ng aktres.
Bukod sa Berlinale ay naging kalahok din ang pelikula sa Palm Springs Int'l Film Festival sa US.
MAKI-BALITA: 'Sunshine matapos ang storm!' Pelikula ni Maris, kalahok sa Palm Springs Int'l Film Festival
Bukod sa tagumpay ng pelikula matapos ang kinasangkutang intriga, patuloy ring humahamig ng papuri mula sa mga netizen ang performance ni Maris sa action-drama series na "Incognito" kasama sina Richard Gutierrez, Ian Veneracion, Baron Geisler, Kaila Estrada, katambal na si Anthony Jennings, at Daniel Padilla.