February 22, 2025

Home BALITA Eleksyon

Pacquiao, iginiit na 'sexual immorality' sanhi ng teenage pregnancy: 'Magkaroon ng takot sa Panginoon!’

Pacquiao, iginiit na 'sexual immorality' sanhi ng teenage pregnancy: 'Magkaroon ng takot sa Panginoon!’
Courtesy: Manny Pacquiao/FB

Nanawagan si senatorial candidate Manny Pacquiao sa mga magulang na turuan ang kanilang mga anak na magkaroon ng takot sa Diyos upang maiwasan daw ng mga ito ang tinawag niyang “sexual immorality” na nagiging dahilan umano ng suliranin sa teenage pregnancy.

Sa isang press conference ng kanilang partidong Alyansa para sa Bagong Pilipinas nitong Biyernes, Pebrero 21, nagbigay si Pacquiao ng kaniyang nakikitang solusyon sa maagang pagbubuntis ng kabataang Pilipino.

"Turuan sila na may Panginoon dahil labag talaga sa Panginoon ‘yang sexual immorality habang hindi pa kayo nag-aasawa,” ani Pacquiao.

“Kaya nagkanda-hirap-hirap tayo dahil ayaw ng Panginoon na mag-commit tayo ng sin against God.”

Eleksyon

PCG, hinikayat publikong bumoto ng mga kandidatong titindig para sa WPS

Kaugnay nito, sinabi ng dating senador at boksingero na responsibilidad ng mga magulang na turuan ang kanilang mga anak ng magandang asal.

"Yung sexual immorality talagang laganap sa buong mundo, and I’m sure na tayong mga magulang responsibilidad natin na turuan ang ating mga anak na huwag pumasok sa ganyan. Turuan ng magandang asal," saad ni Pacquiao.

"Especially ma-in love naman talaga sila pagdating ng panahon, but ituro sa kanila na may Panginoon. Magkaroon sila ng takot sa Panginoon, ‘yan ang pinakaimportante," dagdag pa niya.

Kasama si Pacquiao sa mga senatorial candidate sa 2025 midterm elections na iniendorso ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.