Makalipas ang dalawang dekada ay muling nakatapak sa bakuran ng ABS-CBN ang Kapuso actress na si Camille Prats, matapos ang guesting niya sa "It's Showtime."
Since napapanood nga ang Kapamilya noontime show sa GMA Network, malaya ang Kapuso artists na makapag-promote ng kanilang upcoming shows na mapapanood naman sa kanilang estasyon.
Kaya kasama ang Kapuso actress din na si Katrina Halili ay muling nagbalik sa ABS-CBN si "Princess Sarah" para i-promote ang bagong serye nilang "Mommy Dearest" na gaganap siyang kontrabida.
Para kay Camille, kahit matagal na siyang Kapuso ay matatawag pa rin niyang "home" ang pinagmulang network.
"Back in @abscbn after 20 long years literally a place I call home where so many beautiful memories were made," mababasa sa caption niya.
Naglamyerda naman si Camille sa loob ng pasilyo ng ABS at muling pinuntahan ang dressing rooms noong kabilang pa siya sa mga sitcom at shows na “Oki Doki Doc”, “Kaybol: Ang Bagong TV” at “Home Along da Airport."
Na-miss at napa-throwback din ang mga netizen sa pagiging "Princess Sarah ang Munting Prinsesa" ni Camille na pelikulang ginawa nila noon ni Angelica Panganiban, na hango sa isang cartoons na ipinalabas din sa Kapamilya Network.
Lumipat sa GMA si Camille noong 2005 at patuloy pa ring contract artist ng Sparkle GMA Artist Center.