Nakiisa si Akbayan Partylist first nominee at human rights lawyer Atty. Chel Diokno sa misang isinagawa nitong Sabado, Pebrero 22, para sa paggunita ng nalalapit na anibersaryo ng EDSA People Power Revolution I.
Sa isang Facebook post, sinabi ni Diokno na mahalagang gunitain pa rin sa kasalukuyan ang diwa ng EDSA at ipagpatuloy ang labang sinimulan nito.
“Sa gitna ng mga pagsubok ng ating panahon, mahalagang balikan ang diwa ng EDSA,” ani Diokno.
“Dumalo ako sa Misa sa EDSA Shrine upang gunitain at ipagpatuloy ang laban para sa katotohanan, kalayaan, at hustisya.”Ibinahagi naman ng opisyal na Facebook page ng Akbayan ang naturang post ni Diokno at sinabing: “Buhay ang EDSA!”
Sa darating na Martes, Pebrero 25, 2025 gugunitain ng bansa ang ika-39 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution I na nagpatalsik kay dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. sa puwesto noong 1986.
Kaugnay nito, ilang mga paaralan na sa bansa ang nagsuspinde ng mga klase sa Martes.
BASAHIN: Ilang mga paaralan, nagdeklara ng kanselasyon ng klase para sa EDSA anniversary
Matatandaang noong Oktubre 2024 nang ilabas ng Malacañang ang Proclamation 727 na nagdedeklara ng regular holidays at special (non-working) days para sa 2025, kung saan “special working day” ang Pebrero 25.