Patay ang isang 70 taong gulang na lalaki matapos siyang gilitan at tagain sa paa’t kamay ng kaniyang sariling anak, habang nadamay rin at napatay ang isa pang 75-anyos na kanilang kapitbahay na nagtamo ng taga sa tagiliran at kamay sa Oslob, Cebu noong Biyernes ng umaga, Pebrero 21, 2025.
Ayon sa ulat ng Frontline Tonight ng News 5, tila wala sa matinong pag-iisip ang 23-anyos na suspek. Nag-ugat umano ang pag-aamok ng suspek nang pagdudahan niya ang kaniyang kapitbahay na nagsumbong sa pulisya dahil sa pagpuputol niya ng ilang puno sa kanilang lugar.
Lumalabas sa imbestigasyon na tila may pinaniniwalaan din umano ang suspek na “diyos” na nag-uudyok daw sa kaniya upang pumatay at gawing alay ang mga ito. Ilang kapitbahay rin umano ang nagsabi na ilang alaga nilang hayop ang pinatay ng suspek upang gawing alay.
Samantala, nilinaw rin ng pulisya na hindi raw sangkot sa paggamit ng droga ang biktima dahil wala rin ito sa kanilang drug watch list.
"Hindi siya drug personality, wala din siya sa listahan ng drug list natin. Talagang ganito lang talaga, ang background niya kapag umatake ang problema niya sa pag-iisip. May sinasabi siya sa atin na mayroon siyang paniniwala na mayroong nagdidikta sa kaniya. May bumubulong sa kaniya, to do this," ani Police Major Jude Cebrero.
Sa kasalukuyan, naka-hospital arrest pa ang biktima na nagtamo ng mga sugat matapos subukang manlaban sa pulisya. Nahaharap siya sa kasong parricide at murder.