Hayagan nang inendorso ni Vice President Sara Duterte si Senador Ronald “Bato” dela Rosa na tumatakbo bilang reelectionist sa ilalim ng partido ng kaniyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte na PDP-Laban.
Sa isang video advertisement na inilabas ni Dela Rosa sa kaniyang Facebook post nitong Biyernes, Pebrero 21, iginiit ni Dela Rosa na “binabatikos, pinaparatangan at dinudungisan” umano siya ng kaniyang mga kalaban sa politika.
“Ganiyan sila katakot. Pero sino ba ang totoo sa serbisyo at may dedikasyong magsilbi?” ani Dela Rosa.
“Ikaw, Senator Bato dela Rosa, ang patuloy na sumusugpo sa ilegal na droga. Ikaw, Senator Bato, ang kalaban ng kriminalidad at korapsyon,” saad naman ni VP Sara sa video.
“Ikaw, Senator Bato, ang kailangan ng Pilipino. Matibay ang Bato. Hindi matitibag ang Bato,” saad pa ng bise.
Matatandaang sa ginanap na proclamation rally ng PDP-Laban noong Pebrero 13, hindi dumalo si VP Sara ngunit nagpadala siya ng mensaheng nagpapahayag ng kaniyang pag-endorso sa mga kandidato ng partido.
MAKI-BALITA: VP Sara, inendorso senatorial slate ng PDP-Laban
Matatandaang noong Pebrero 1 nang ibinahagi ni VP Sara na pinag-iisipan pa niya kung makabubuti o makasasama sa mga kandidato sa 2025 midterm elections ang pag-endorso niya sa mga ito.
MAKI-BALITA: VP Sara, pinag-iisipan pa kung ‘makakabuti o makakasama’ sa kandidato pag-endorso niya
Kasalukuyang nahaharap ang bise presidente sa impeachment complaint na ipinasa ng House of Representatives sa Senado noong Pebrero 5, 2025.