"...Aba, teka muna, magbayad ka."
Ayon kay Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers dapat magbayad ng tamang buwis sa gobyerno ang mga vlogger na kumikita sa kanilang mga inilalabas na contents.
Sa panayam ni Barbers sa DZXL News kamakailan, sinabi niya na may mga vlogger daw na nagsabing kinaltasan sila ng buwis ng kanilang headquarters na naka-base sa Amerika.
Giit ng kongresista na sa Pilipinas sila gumagawa ng vlog kaya nararapat daw na dito rin sila ng magbayad ng buwis.
"Sino bang nag-aadvertise sa inyo rito 'di ba mga Pilipino? O eh bakit ang kumikita ay Amerikano? Pakitain ninyo 'yong gobyerno namin. Gamit na gamit kayo rito eh," ani Barbers.
"Sinasabi nila marami raw silang ibang sources of revenue... wala namang problema 'yon kahit sangkatutak 'yong yung sources of revenue mo, magbayad ka pa rin ng buwis. Kung ika'y kumikita rito sa iyong pagba-vlog, namo-monetize mo iyong mga contents, aba, teka muna, magbayad ka [ng buwis]," dagdag pa niya.
Dahil dito, ipatatawag din sa susunod na pagdinig ng Tri-Committee (Tri-Comm) ang Bureau of Internal Revenue (BIR) kung saan aalamin nila ang patungkol sa pagbabayad ng buwis ng mga vlogger.