“Hindi patas ang laban. Lalo na't pondo ang pangalan…”
Nagbigay ng reaksiyon ang aktor na si Romnick Sarmenta kaugnay sa mga artistang kumakandidato sa eleksyon upang magkaroon ng posisyon sa gobyerno.
Sa X post ni Romnick kamakailan, inalala niya ang mga mabubuting taong nagpaalala sa kaniya na huwag magpadala sa agos ng mga hiyaw at kasikatan mula nang mag-artista siya.
Ayon sa kaniya, “Mga taong nagbahagi ng kanilang pananaw sa maraming bagay. Mga taong hinahangaan ko at minamahal dahil sa kanilang paninindigan at prinsipyo... mga bagay na may halaga sa aking puso. Marami rin sa kanila ang nawala na. Ngunit ang mga aral ng kanilang gawa ay buhay.”
“At dahil din sa kanila, ‘di ako naniniwalang dapat tumakbo ang mga sikat. Hindi patas ang laban... lalo na't pondo ang pangalan. Kilala sila... hindi alam ang pangalan ng kalaban. Kilala sila... oo. Pero hindi ito batayan ng kagalingan sa pagpapaunlad ng bayan,” dugtong pa niya.
Kaya—ayon sa aktor—hindi raw siya mag-eendorso ng kahit na sino.
“Hindi rin ako mageendorso ng kahit na sino. Alam ko kung sino ang mga pinili ko. Wala. Walang artista sa kanila,” aniya.