April 02, 2025

Home BALITA Metro

Rambulan ng mga estudyante sa Pasig, nauwi sa saksakan

Rambulan ng mga estudyante sa Pasig, nauwi sa saksakan
contributed photos

Viral ngayon sa social media ang mga video ng rambulan ng mga estudyante sa Pasig City noong Huwebes, Pebrero 20. 

Mapapanood sa naturang mga video ang pagsisigawan at pagsusuntukan ng mga estudyante ng Rizal High School hanggang sa nauwi ito sa saksakan. 

Sa isang pahayag nitong Biyernes, Pebrero 21, sinabi ni Pasig City Police chief Police Colonel Hendrix Mangaldan na nangyari ang insidente kahapon ng Huwebes, bandang 2:15 ng hapon sa labas ng eskuwelahan sa Brgy. Caniogan. 

"Ang awayan ng mga estudyante ay humantong sa pagkakakasaksak sa dalawang biktima. Napakasensitibo po dahil ang mga sangkot ay puro menor de edad," ani Mangaldan. 

Metro

Babaeng nagpa-blotter dahil sa death threat, patay sa pamamaril

Kasalukuyan nang nasa kustodiya ng pulisya ang pitong menor de edad na sangkot sa naturang pangyayari, habang nakikipagtulungan din ang mga awtoridad sa City Social Welfare and Development (CSWD).

Samantala, naglabas din ng pahayag ang school principal ng Rizal High School na si Richard Santos. Aniya, ang nasaksak na Grade 7 student ay patuloy na inoobserbahan sa Child's Hope Hospital habang ang Grade 10 student ay nasa maayos nang kalagayan. 

Dagdag pa ni Santos, ang isa pang sangkot na estudyante sa nangyaring insidente ay patuloy pa ring hinahanap.

“We understand that this situation is understandably distressing for our entire community. It is reassuring to know that the individuals believed to be involved in the altercation, except for one who is still at large, have been taken into custody by the Pasig City Police,” anang school principal.

Nakatakda namang magpulong ang Child Protection Committee upang pag-usapan ang mga kinakailangang tugon at interbensyon upang maiwasan ang mga gano'ng uri ng insidente sa hinaharap.

“To further ensure the safety of our students, we are enhancing our safety measures during dismissal. We have requested increased visibility from Barangay Enforcers and police in the area,” ani Santos.

Magpapatupad na anila sila ng security protocols kagaya ng bag inspection sa lahat ng mga estudyanteng papasok sa loob ng eskuwelahan.