Nanindigan si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., na hindi umano kailangang maging marahas ng pamahalaan upang malutas ang problema ng bansa sa ilegal na droga at paglaganap na krimen.
Sa kaniyang talumpati para sa campaign rally ng Alyansa para Bagong Pilipinas na ginanap sa Dumaguete noong Huwebes, Pebrero 20, 2025, diretsahang iginiit ng Pangulo na hindi solusyon ang pagpatay para masolusyonan ang naturang problema ng bansa.
“Sa laban kontra krimen at droga, hindi po natin kailangang dumaan sa madugong solusyon! Wala po kaming paniniwala na kailangan pong pumatay ng libo-libong Pilipino para mabigyan ng solusyon itong problema na ito,” ani PBBM.
Dagdag pa ni PBBM, “May tamang paraan po para tiyakin ang kapayapaan.”
Binagyang-diin ni PBBM ang tunay na solusyon para sa ekonomiya at trabaho ay “tunay na trabaho at disenteng sweldo” na aniya’y hindi kailangang kumapit sa industriya na katulad ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
“Sa ekonomiya at trabaho, hindi natin kailangan umasa sa ilegal na industriya tulad ng POGO na naging pugad ng krimen. Naging pugad ng karahasan. Ang solusyon ay tunay na trabaho, disenteng sweldo, at suporta sa maliliit na negosyo,” anang Pangulo.