May 16, 2025

Home BALITA National

Lalaking napagkamalang magnanakaw, patay nang kuyugin

Lalaking napagkamalang magnanakaw, patay nang kuyugin
Photo courtesy: Pexels

Patay ang isang 26-anyos na lalaki matapos mapagkamalang magnanakaw at kuyugin ng ilang residente sa Barangay 178 sa Maynila.

Batay sa ulat ng GMA News nitong Biyernes, Pebrero 21, 2025, napagkamalang magnanakaw ang biktima na kinilalang si Christian Ambon, na kaluluwas pa lamang daw ng Maynila mula sa Samar para maghanap ng trabaho dahil kaka-graduate pa lamang bilang criminology student.

Sinubukan umanong habulin ng biktima ang isang magnanakaw na humablot sa kaniyang cellphone hanggang sa mapadpad siya sa isang bahay kung saan siya napagkamalamng magnanakaw. 

Sa panayam ng media sa mga magulang ng biktima, nagawa pa raw ikuwento sa kanila ng biktima ang umano’y tunay na nangyari, bago tuluyang bawian ng buhay. 

National

Tito Sotto, kinumpirmang kinausap ng 3-4 senador ukol sa Senate presidency

“Hinablutan po siya nung ‘Junjun.’ Tapos sinugod po niya doon sa taas, tapos noong pumunta po siya doon sa taas, sumigaw yung babae, sabi daw po ‘magnanakaw! Magnanakaw!’ Yun pala, sinaksak na pala ni Junjun.,”

Nagtamo ng saksak ang biktima sa bahagi ng kaniyang tagilirang katawan, na kagagawan umano mismo ni “Alyas Junjun.” 

Batay din umano sa video na nakalap ng pulisya, nakatali ang kamay ng biktima at wala ng damit pang-itaas matapos bugbugin ng ilang residente.

Dagdag pa ng ina ng biktima, pinagplanuhan din umano na itapon sa ilog ang katawan ng kaniyang anak matapos makumpirma na wala na itong malay. 

“Sabi po ng taumbayan, ‘itapon na ’yan,’ sa ilog daw po, at yung kapitan daw po yung nagsabi niyan,” anang ina ng biktima.

Itinanggi naman ng kapitan ang alegasyon ng magulang ng biktima at iginiit na ang biktima raw ang naunang mag-amba ng pananaksak kaya raw ito kinuyog ng ilang residente sa naturang lugar. 

Desidido rin daw ang pamilya ng biktima na magsampa ng kaso laban sa nagnakaw ng cellphone ng biktima at sa ilang residente na bumugbog dito.