Nagkilos protesta ang BAYAN Muna partylist kasama ang ilang organisasyon sa harapan ng Monumento station upang ipanawagan ang kanilang pag-alma sa nakatakdang pagtaas ng pamasahe ng LRT-1 sa Abril.
Giit ng grupo, dagdag pahirap lamang ang naturang pagtaas ng pamasahe sa LRT-1 na isa sa mga primaryang pampublikong transportasyon.
Pinunit din ng grupo ang umano’y kopya ng concessionaire agreement sa pagitan ng Light Rail Manila Corporation (LRMC) at Department of Transportation (DOTr).
BASAHIN: Pagtaas ng LRT-1 fare, inalmahan ni Arlene Brosas: 'Dagdag pahirap na naman 'yan!'
Matatandaang inihayag ng LRMC na tuluyan nang itataas ang pamasahe sa LRT-1, kung saan mula ₱13.59 boarding fee at ₱1.21 increment per kilometer travel, tataas ito sa ₱16.25 na may travel fare per kilometer na ₱1.47. Bunsod nito, papalo na ang minimum fare ng LRT-1 ng ₱20 habang ₱55 naman ang maximum para sa single journey trip.