Pinagpapaliwanag ng Pasig Court ang kampo ni Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Apollo Quiboloy ang pagpapalabas ng recorded video nito sa social media na naglalaman ng kaniya umanong mensahe sa mga taga-suporta bilang kandidato sa pagka-senador.
Ayon umano sa Pasig Court, inere ang naturang video ni Quiboloy noong Pebrero 9, 2025 sa campaign rally ng mga miyembro ng KOJC at saka ito inilagay sa Facebook page ng SMNI News Channel.
Batay kay Judge Rainelda Estacio-Montesa ng Pasig Regional Trial Court Branch 159, mayroong limang araw upang ang kampo ni Quiboloy upang magpaliwanag.
Matatandaang pinuna rin ng isang mambabatas ang naturang campaign video ni Quiboloy at iginiit ang umano'y pagbibigay ng VIP treatment sa kaniya.
“Kapag mahirap, kahit dumalaw ang pamilya, pahirapan. Pero kapag makapangyarihan, may privilege pang mangampanya mula sa kulungan,” ani Gabriela Party-list Rep. Arlene Brosas.
KAUGNAY NA BALITA: Brosas, kinondena 'VIP treatment' kay Quiboloy sa kulungan: 'May privilege pang mangampanya!'
Samantala, batay naman sa huling pagharap sa press briefing ng abogado ni Quiboloy na si Atty. Israelito Torreon kamakailan, sinabi niyang bagama't hindi umano pinayagan ng Korte ang kaniyang kliyente na humarap sa interviews, iginiit niyang may permiso umano ito na ipalabas ang kaniyang campaign video ng Pebrero 9, Pebrero 11 at Pebrero 13.
“Eventually, the court denied our first motion that he personally appear in interviews, but granted our motion that he would take his messages to his supporters on February 9, February 11, February 13,” ani Torreon.