Magandang balita dahil matatanggap na ng mahigit sa 18,000 college students ng Pamantasang Lungsod ng Maynila (PLM) at Universidad de Manila (UdM) ang kanilang ₱2,000 allowance mula sa Manila City Government.
Ito’y matapos na ipag-utos ni Manila Mayor Honey Lacuna na ilabas na ang pondo para dito.
Nabatid na ang naturang halaga ay kumakatawan sa dalawang buwan na monetary assistance mula sa local government para sa mga naturang mag-aaral mula sa naturang city-run universities, o tig-₱1,000 para sa mga buwan ng Nobyembre at Disyembre 2024.
"Ang maliit na tulong na ito ay isang patunay ng ating buong suporta sa ating mga mag-aaral para makatulong at makapagtapos sila sa kolehiyo," ayon kay Lacuna.
Sinabi ni Lacuna na kabuuang 18,692 ang college students ng PLM at UdM ang tatanggap ng allowance.
Sa naturang bilang, 8,200 ang mula sa PLM at 10,492 naman ang mula sa UdM.
Nabatid na ang mga mag-aaral mula sa PLM ay maaaring kumuha ng allowance sa pamamagitan ng kanilang debit card accounts habang ang mga mag-aaral naman mula sa UdM ay makakatanggap ng allowance mula sa lungsod.
Ayon kay UdM President Dr. Felma Carlos-Tria, kasalukuyan nang inaasikaso ng pamahalaang lungsod ang proseso ng payout para sa kanilang mga mag-aaral.
Ipinaliwanag ni Tria na hindi katulad sa PLM na ang allowance ay downloaded, ang allowances ng UdM students ay nire-release aniya sa pamamagitan ng payouts, kung saan ang petsa ay ini- schedule.
Tiniyak naman ni Lacuna na inaayos na ng kanyang administrasyon ang pagkakaroon ng debit cards ng mga estudyante ng UdM.
Nabatid na ang probisyon para sa buwanang allowances ng mga college students ay bahagi ng social amelioration program (SAP) na nilikha at ipinasa noong si Lacuna pa ang Presiding Officer Manila City Council, isang posisyon na kanyang hinawakan noong siya pa ang bise alkalde ng lungsod.