Inihayag ng commissioner at officer-in-charge National Commission of Senior Citizens (NCSC) na si Dr. Mary Jean Loreche na maaari nang makatanggap ng ₱10,000 ang lahat ng senior citizens sa bansa na nasa edad 80, 85, 90 at 95 taong gulang.
Sa panayam ng TeleRadyo Serbisyo kay Loreche kamakailan, iginiit niyang sa national government umano manggagaling ang nasabing ayuda para sa mga senior citizen na itinuturing nilang nasa "milestone ages" na umano.
"Ang ating mga nakatatanda na pumasok sa milestone ages na 80, 85, 90, at 95, makatatanggap po sila ng ₱10,000 cash benefit mula sa national government.
Ang nasabing cash aid ay bahagi ng Expanded Centenarian Act na naisapinal noong Pebrero 26, 2024.
Samantala, nilinaw rin ni Loreche kung paano ang implementasyon ng ₱10,000.
“Ang simula ng pwedeng mag-apply niyan ay 'yung mga nag-birthday mula noong March 17, 2024. So, pag nag-birthday po kayo ng milestone niyo na 80, 85, 90, o 95 on March 17, 2024 onwards [pwede 'yun],” saad ni Loreche.
Paglilinaw pa ni Loreche, posible umanong maunang mabigyan ng cash aid ang mga mag-aapply ngayong 2025, bunsod ng naibigay na pondo sa NCSC.
“Subalit sa kadahilanan na 'yung pondo na ibinigay sa NCSC ay magsisimula lamang para doon sa January 1, 2025 hanggang December 31, 2025, sila 'yung unang mabibigyan. So 'yun pong mga nag-milestone ages noong March 17, 2024 hanggang December 31, 2024, considered wait-listed. 'Wag po silang mag-alala kasi dinudulog na natin ito para mabigyan sila ng pondo,” saad ni Loreche.
Maaari umanong mag-apply sa website ng NCSC ang mga senior citizen na pasok sa mga nabanggit na edad. Puwede rin daw dumulog ang mga ito sa pinakamalapit ng Office of the Senior Citizens Affairs o kaya sa lokal na Social Welfare and Development office.