Muling binigyang-diin ni Senate President Chiz Escudero na hindi raw maaaring madaliin ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa isinagawang press conference kasi nitong Miyerkules, Pebrero 19, inusisa si Escudero kaugnay sa position paper na isinumite ni Bayan Muna chairperson Neri Colmenares upang himukin ang Senado na bumuo na ng impeachment court.
Ayon sa kaniya, “Tatanggapin namin ‘yon. Ire-refer ko ‘yon sa Committee on Rules at sa legal team ng Senado para gumawa ng karampatang sagot at matimbang ‘yong kaniyang mungkahi.”
“Pero may balik na tanong ako kay Congressman Neri,” pagpapatuloy ni Escudero. “Dalawang buwang inupuan ‘yan ng mga congressman. [...] Kung ang interpretasyon nila ng salitang immediately [...] ay lumampas pa ng dalawang buwan dahil hanggang ngayon ‘di pa nila nire-refer, [...] sino naman sila ngayon para madaliin kami samantalang sila naman ay tila hindi nagmamadali kaugnay sa kanilang reklamo mismo?”
Dagdag pa niya, bagama’t hindi na raw nila pwede pang ma-refer ang impeachment trial at ma-convene ang court dahil walang sesyon ang Senado, ire-refer pa rin umano nila sa legal team ang reklamo upang makonsidera ang suhestiyon ng complainants.
Matatandaang nauna nang sinabi ni Escudero noong Pebrero 10 na pagkatapos pa umano ng State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa Hulyo magsisimulang gumulong ang paglilitis kay VP Sara.
MAKI-BALITA: Impeachment trial kay VP Sara, sisimulan pagkatapos ng SONA – SP Chiz
Samantala, sa parehong araw ay naghain ang bise-presidente ng petisyon laban sa ikaapat na impeachment case na isinampa sa kaniya.
MAKI-BALITA: VP Sara, naghain ng petisyon sa Korte Suprema laban sa ikaapat niyang impeachment case