Pinuna ni Gabriela party-list Rep. at senatorial aspirant Arlene Brosas ang kumpirmasyon ng pagtaas ng pamasahe sa LRT-1 na ipatutupad sa Abril.
Sa kaniyang Facebook post nitong Miyerkules, Pebrero 19, 2025, tahasang iginiit ni Brosas ang tila pasaring tungkol sa presyo ng bigas at pamasahe sa LRT.
“Akala natin ang bigas ang magiging bente pesos, yun pala minimum fare ng LRT ang gagawing bente mula kinse. Dagdag pahirap na naman ‘yan,” ani Brosas.
Matatandaang noong Martes, Pebrero 18, nang ihayag ng Light Rail Manila Corporation (LRMC) na aprubado na ng Department of Transportation (DOTr) ang dagdag-pasahe sa kanilang unit at magiging epektibo sa darating na Abril 2.
Mula ₱13.59 boarding fee at ₱1.21 increment per kilometer travel, tataas ito sa ₱16.25 na may travel fare per kilometer na ₱1.47. Bunsod nito, papalo na ang minimum fare ng LRT-1 ng ₱20 habang ₱55 naman ang maximum para sa single journey trip.
Samantala, sa hiwalay na pahayag iginiit ni LRMC chief Enrico Benipayo na ito pa lamang ang ikalawang pagkakataon na nagpataw sila ng dagdag-singil sa nakalipas na 10 taon.
“We are thankful to our partners in government for their support in ensuring that we can sustain the necessary upgrades. In the past 10 years of operating and maintaining the 40-year-old railway line, this will only be the second time that LRMC has been allowed to implement fare adjustments for LRT1. LRMC has since introduced new trains, station upgrades, and better service efficiency. Last November 2024, LRMC also completed Phase 1 of the Cavite Extension Project and opened the extension for commercial operations,” ani Benipayo.