Sinampahan ang Tulfo Brothers na sina senatorial candidates ACT-CIS Rep. Erwin Tulfo at broadcaster Ben Tulfo, maging ang tatlo pang miyembro ng Tulfo clan, ng disqualification case kaugnay sa paparating na 2025 National and Local Elections (NLE), ayon sa Commission on Elections (Comelec).
Ayon kay Comelec chair George Garcia nitong Lunes, Pebrero 18, bukod sa magkapatid na Tulfo ay kasama rin sa sinampahan ng reklamo para sa diskwalipikasyon sina ACT-CIS Rep. Jocelyn Pua-Tulfo (asawa ni Sen. Raffy Tulfo), Quezon City 2nd District Rep. Ralph Wendel Tulfo (anak nina Sen. Raffy at Rep. Jocelyn), at Turismo party-list nominee Wanda Tulfo-Teo (kapatid ng Tulfo Brothers).
Inihain ang disqualification case ng abogadong si Virgilio Garcia, kung saan iginiit nito sa petisyon ang usapin ng “political dynasty.”
“Respondents are all related to incumbent Senator Rafael Teshiba Tulfo (a.k.a. Raffy Tulfo) within the first or second civil degree of consanguinity or of affinity. Respondents Cong. Erwin, Ben and Wanda Tulfo - Teo are younger siblings of Senator Raffy Tulfo. Respondent Cong. Jocelyn Pua - Tulfo is the wife of Senator Raffy, while respondent Cong. Ralph is their son,” nakasaad sa petisyon.
“The 1987 Constitution prohibits this anomalous monopolistic concentration of political power in one family, such that Article II, Section 26 provides ‘The State shall guarantee equal access to opportunities for public service and prohibit political dynasties as may be defined by law’.”
Bukod dito, binanggit din sa petisyon ang isyu ng citizenship ni Erwin.
Layon daw ng reklamong pigilan ang limang Tulfo na makatakbo sa paparating na halalang inaasahang gaganapin sa Mayo 12, 2025.
Tumatakbo sina Erwin at Ben para sa Senado habang susubok sina Jocelyn, Ralph, at Wanda na muling magkaroon ng puwesto sa House of Representatives.