Ibinahagi ni labor leader at senatorial aspirant Ka Leody De Guzman ang pananaw niya hinggil sa political dynasty sa Pilipinas.
Sa isang episode ng “Sa Totoo Lang” ng One PH noong Lunes, Pebrero 17, sinabi ni De Guzman na ang puno’t dulo umano ng problema sa bansa ay nililikha ng political dynasty.
“Tingin ko, ha, [sa] karanasan ko sa 38 years kong paglahok sa politika sa lansangan, ang puno’t dulo talaga ng problema natin ay nililikha ng political dynasty na nakapwesto sa tuktok ng ating gobyerno,” saad ni De Guzman.
Dagdag pa niya, “‘Yong trapo, dynasty, na gumagawa ng mga batas, patakaran, program, budget na para sa interes ng iilan at hindi ng buong sambayanan.”
Kaya naman ang pagtakbo raw nila ng kapuwa niya labor leader na si Atty. Luke Espiritu sa pagkasenador ang unang hakbang upang wakasan ang umiiral na political dynasty.
“Ang pangalawang atake, naglulunsad kami ng kampanya ng papirmahan. O tinatawag nating people’s initiative. ‘Yan ay inilulunsad na namin ngayon,” aniya.