Naghain ang mga abogado sa Mindanao, opisyal ng Davao City, at vloggers ng petisyon sa Supreme Court (SC) na naglalayong pigilan ang Senado na litisin ang impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.
Nitong Martes, Pebrero 18, nang magpetisyon ang mga kaalyado ni Duterte, kasama ang legal counsel ni Pastor Apollo Quiboloy na si Atty. Israelito Torreon, Davao City councilor Atty. Luna Acosta at dating Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) chairperson Atty. Martin Delgra, sa SC laban sa impeachment case ng bise.
Hiniling ng grupo sa SC na mag-isyu ng temporary restraining order (TRO) na nag-aatas sa Senado ng cease and desist mula sa pagsasagawa ng pagdinig sa tinawag nilang “defective Articles of Impeachment” kay Duterte.
Depektibo umano ang mga article ng naipasang impeachment complaint laban kay Duterte dahil hindi raw nasunod ang “constitutional requirement” upang beripikahin ito.
Samantala, posible namang isagawa ng SC nitong Martes din sa kanilang en banc session ang isang petisyong inihain noong nakaraang linggo na naglalayong himukin ang Senado na kaagad na simulan ang impeachment trial ni Duterte.
Nito lamang ding Martes nang ilabas ang sulat ni Senador Koko Pimentel kay Senate President Chiz Escudero upang igiit na dapat nang dinggin ng Senado ang impeachment complaint laban kay Duterte dahil nakasaad daw sa Konstitusyon ang salitang “forthwith,” na may Filipino translation na “agad.”
MAKI-BALITA: Pimentel, sinulatan si SP Chiz ukol sa VP Sara impeachment; iginiit Fil. translation ng 'forthwith'
Matatandaang kamakailan lamang nang sabihin ni Escudero na magsisimula ang paglilitis ng Senado sa naipasang impeachment complaint laban kay Duterte pagkatapos ng State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
MAKI-BALITA: Impeachment trial kay VP Sara, sisimulan pagkatapos ng SONA – SP Chiz
Noong Pebrero 5 nang maiakyat na sa Senado ang ikaapat na impeachment complaint laban kay Duterte matapos itong aprubahan ng House of Representatives sa pamamagitan ng mahigit 215 na pirma ng mga mambabatas.
MAKI-BALITA: ALAMIN: Listahan ng solons na pumirma sa impeachment laban kay VP Sara