Iginiit ni 1-RIDER party-list Rep. Rodge Gutierrez na "within the bounds of the law" ang naging impeachment ng House of Representatives kay Vice President Sara Duterte dahil sinunod at kompleto raw ang kanilang naging proseso bago ito nai-transmit sa Senado.
Na-ambush interview si Gutierrez ng media, na isa sa mga miyembro ng House prosecution panel kaugnay ng impeachment complaints laban kay Duterte.
"Bilang miyembro ng prosecution team, naniniwala po kami na kompleto po 'yong aming articles of impeachment including the process in which it was transmitted to the Senate," ani Gutierrez, Martes, Pebrero 18.
Nang matanong ng reporter kung "flawed" ba ito, "As far as were concerned, I don't know kung ano po 'yong basis ng flaw na sinasabi po nila, as far we were concerned it is well within the bounds of the law, ayon po sa ating Saligang-Batas, Konstitusyon," aniya.
Sa parehong araw, naghain ang mga abogado sa Mindanao, opisyal ng Davao City, at vloggers ng petisyon sa Supreme Court (SC) na naglalayong pigilan ang Senado na litisin ang impeachment case laban kay VP Sara.
Naghain mismo sa Korte Suprema ang mga kaalyado ni Duterte, kasama ang legal counsel ni Pastor Apollo Quiboloy na si Atty. Israelito Torreon, Davao City councilor Atty. Luna Acosta at dating Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) chairperson Atty. Martin Delgra, sa SC laban sa impeachment case ng bise.
Hiniling ng grupo sa SC na mag-isyu ng temporary restraining order (TRO) na nag-aatas sa Senado ng cease and desist mula sa pagsasagawa ng pagdinig sa tinawag nilang “defective Articles of Impeachment” kay Duterte.
Depektibo umano ang mga article ng naipasang impeachment complaint laban kay Duterte dahil hindi raw nasunod ang “constitutional requirement” upang beripikahin ito.
MAKI-BALITA: Petisyon para pigilan Senado na dinggin impeachment case vs VP Sara, inihain sa SC