Kinondena ni Gabriela Party-list Rep. Arlene Brosas ang tinawag niyang "VIP treatment" para sa kapwa niya senatorial candidate na si Pastor Apollo Quiboloy na binibigyan pa raw ng pribilehiyong mangampanya sa kulungan.
Sa isang pahayag nitong Lunes, Pebrero 17, pinagkumpara ni Brosas ang nagiging trato umano sa kulungan pagdating sa mahihirap at mga “makapangyarihan.”
“Kapag mahirap, kahit dumalaw ang pamilya, pahirapan. Pero kapag makapangyarihan, may privilege pang mangampanya mula sa kulungan,” ani Brosas.
"Kailangang tapusin natin ang VIP treatment sa mga abusado.”
Giit pa ng mambabatas: "Real talk: Parusa ang dapat igawad sa kanya, hindi posisyon sa gobyerno.”
Tumatakbo si Quiboloy sa pagkasenador sa ilalim ng Duterte-wing party PDP-Laban, kung saan matatandaang mayroong video clip ng kaniyang pahayag na ipinalabas sa proclamation party ng kanilang partido kamakailan.
Kasalukuyang nahaharap si Quiboloy, founder ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC), ng mga kasong tulad ng child abuse, sexual abuse, at human trafficking. Nakadetine siya sa Pasig City jail.